Masaya ako kasi nakapanood ako ng Hannah Montana kanina. Hindi kasi ako lumabas ng bahay at kaka-charge ko lang ng cellphone ko na nag-aalarm kapag palabas na ito. Gustong-gusto ko talaga yung palabas na yon. Pero minsan naiisip ko si Miley Cyrus ay parang si Amanda Bynes kung umarte minsan. Okey lang kasi pareho ko naman din sila gusto.
Masaya din ako sa layout na ito. Napakadaling gamitin ng K2 na tema at gusto ko pa mag-dagdag ng mga plug-in. Wala pa lang akong panahon sa ngayon pero dadating din ako dun. Sa ngayon, simple muna, tutal simpleng tao lang naman ako. Kahit anong garbo ng disenyo ang ibigin kong gawin ay wala akong panahon para dito.
May dalawang linggo na akong hindi nakakapasok ng maayos sa eskwelahan. Nagka problema na naman ako sa pag-gising noong isang araw. Parang kay tagal na nang huli akong pumasok pero nag-prelim exam kasi kaya parang ganun nga. Hay. Matutulog na ako ng maaga ngayon para makapagsimba ng maaga bukas. At para din makapasok ng maaga sa Lunes.
Tinawagan ko ang aking ina kanina gamit ang natitirang laman ng card na binili ko dati. Hindi din kami nakapag kwentuhan ng matagal dahil andun pa si Tita Emily sa kwarto niya at marami na naman daw itong bigay para sa akin. Nagsabi akong tatawagan ko siya ulit ngayong gabi pero mukhang di ko na kakayanin. Inaantok na ako at hindi pa ako nakakabili ng panibagong card. Isa pa, madaling araw na ngayon sa San Francisco. Bukas na lang siguro.
Muntik ko ng makalimutan ang isa pang masayang nangyari sa akin. Sa wakas ay mayroon na akong MP3 player. Hindi kilalang pangalan pero ito’y katulad din ng mga mamahaling MP3 player na binibili ng karamihan. Ang tatak nito’y MPIO at ito ay may 1Gb na memory. Sa ngayon nalagyan ko ito ng mahigit dalawang daang kanta at halos may kalahati pa ang libreng espasyo. Gamit ang Diet MP3 na binigay sa aking ng isang kaibigan dati, napaliit ko ang filesizeng bawat kanta, kaya marami-rami pa akong mailalagay dito.
Nakakatawa kung isipin na malalim ang tagalog ko pero ito ang gusto ko.
Sa iyo kaibigan, na nag-titiyagang bumisita sa aking munting espasyo sa WWW, maraming maraming salamat!













